0
Adik Sa Cebu Nanaksak Dahil Ayaw Magparehab?

CEBU CITY - Isang pinaniniwalaang adik ang nanaksak sa isang mag-asawa at isa pang kapit-bahay nila na nakiusap lamang sa suspek na sumuko sa mga pulis at magparehab.

Sina Ricardo Cupta at asawa nitong si Francesca ay namatay pagkatapos pagsasaksakin ng suspek habang isang nagngangalang Leclec Balolot naman ang nasugatan.

Si Eddie Ardiente, 26, ay pinaghahanap na ngayon pagkatapos niyang saksakin ang kaniyang mga kapitbahay alas-8 nang gabi sa Lunes sa Sitio Maaslom, Barangay Busay, Cebu City.

Nakita umano na tumatalon papunta sa ilog ang suspek pagkatapos gawin ang krimen.

Sinabi ni brgy. Busay chairman Yody Sanchez na si Ardiente ay lasing nang nagpunta sa bahay ni Balolot kung saan sinaksak niya ang mga biktima pagkatapos siyang akusahan na isa siyang drug addict.

Dagdag pa ni Sanchez na ang totoong pakay ni Ardiente ay ang ama ni Balolot na siyang naglagay sa kanyang pangalan sa drug list ng kanilang barangay.

Mula sa bahay ni Balolot ay nagtungo si Ardiente sa bahay ng mga Cupta kung saan una niyang sinaksak si Francesca na noon ay nasa kusina ngunit nagawa pa rin nitong sumigaw ng tulong.

Nang marinig ang sigaw ay agad nagpunta ang asawang si Ricardo ngunit nasaksak din ito ni Ardiente.

Nagalit daw si Ardiente kay Francesca pagkatapos siyang pagsabihan nitong sumuko na sa kampanya ng mga pulis kontra druga na Oplan Tokhang. Sa ilalim ng kampanya, ang mga pulis at mga lider ng komunidad ay pumupunta sa kabahayan ng mga kilalang drug user at pushers upang hikayating sumuko at sumailalim sa rehabilitasyon.

Sinabi ni Erwin, kapatid ni Ardiente na bago gawin ang krimen ay nagbanta umano ang suspek na pagbabayarin nito ang mga taong tumawag sa kanya na drug addict.

Aminado naman daw si Erwin na gumagamit ng pinagbabawal na gamot ang kanyang kapatid.

Source: Inquirer

Post a Comment

 
Top